Nakasanayan na ng mga Pilipino ang pagsalubong taun-taon sa paparating na bagong taon. At sa bawat taon, tiyak na hindi mawawala ang sandamakmak na handa sa hapag kainan, tiyak na hitik ito sa mga iba’t ibang pagkain na pagsasaluhan sa gabi bago ang unang araw ng taon o ‘Media Noche’.
Kaalinsabay ng pagdiriwang na ito, hindi mawawala ang mga nakagisnang paniniwala ng mga Pilipino lalo na ng mga Bulakenyo. Mga pamahiing tila namana ng mga Pilipino sa mga dayuhang Tsino, na kilala sa pagsasabuhay at pag-aaplay ng pampalayas at pagpapalapit sa mga grasya sa isang pamilya, tahanan o maging sa kampanya.
Ang pamahiin ay likas na sa kaugalian ng mga Pilipino dahil sa kahit na ano mang mga pangyayari ay may sarili silang mga paliwanag. Katulad na lamang sa pang-araw-araw na gawain, naniniwala ang ilan na ‘bawal ang magwalis tuwing gabi’, dahil kapag daw nagwalis ka sa gabi ay itinataboy mo daw ang pagpasok ng grasya sa inyong tahanan.
Samantala, ano naman kayang mga paniniwala ang patok sa panlasa ng mga Pilipino, ngayong sasapit na ang araw ng bagong taon.
Narito ang ilan o sampung nanguna sa mga karaniwang isinasagawa ng mga Bulakenyo ayon sa Surbey na isinagawa ng THE BEAT TELLS:
Paghahanda ng 12 bilog na prutas sa hapag kainan
“[Paghahanda ng] 12 round fruits representing 12 prosperous months [of the year],” ani ni Roxan Francisco.
Tunay na kilala ang mga bilog na prutas tuwing sasapit ang bagong taon. Kaya sa tuwing panahon ng kapaskuhan ay hitik na hitik ang mga pamilihan sa dami ng klase ng mga bilog naprutas. At sa kapag bisperas na ng bagong taon, nagkaka-ubusan na ng rasyon ng mga bilog na prutas sa mga pimilihan.
Ang paglalagay ng mga bilog na prutas sa hapag kailanan ay pinaniniwalaang magdadala ng tiyak na swerte sa labindalawang buwan ng taon.
Pagpapaputok o pag-iingay pagsapit ng paghihiwalay ng taon o alas-12 ng hating-gabi
Iisa lang ang nasa isip ng mga Bulakenyo sa tuwing mababanggit ang salitang ‘bagong taon’, ito ay ang pagpapaputok o pag-iingay upang maitaboy ang malas sa pagpasok ng taon.
Sa katunayan, tunay na kilala at dinadayo ang lalawigan ng Bulacan sa tuwing papalapit na ang araw ng pagsalubong ng bagong taon. Ito ay dahil nasa ating lalawigan ang bayan kung saan marami ang nagtitinda ng paputok at makukulay na pailaw tuwing bagong taon, sa Bocaue.
Ngunit, sa panahon ngayon mahigpit nang pinag-iingat ang mga mamamayan sa pagpapaputok upang maiwasan ang disgrasya.
“Kinakalampag ko lahat ng pwedeng makalampag, sabi kasi kailangang mag-ingay para lumayas ang malas,” sabi ni Regine Roque, 19 anyos na siguradong hindi magtatamo ng kahit anumang peligro dulot ng paputok.
May ilan namang gumagamit ng torotot, takip ng kaldero at maging mga walang laman na balde upang makalikbha ng ingay.
Ang pagtalon ng tatlong beses pagtungtong ng alas-12 ng hating-gabi
‘Talon na! Talon na! Alas 12 na!’--- ‘yan ang kadalasang mong maririnig sa tuwing tatapat ang dalawang kamay ng orasan sa 12 tuwing maghihiwalay ang taon. Dahil sa oras na iyon, magsisimula ang putukan at pag-iingay ng lahat.
Kasabay ng oras na iyon ay ang pagpapatalon ng mga matatanda sa mga bata ng tatlong beses, ngunit ngayon ay hindi na nasusunod, upang sila ay tumangkad.
Pagsusuot ng damit na ‘Polka Dots’
“Pagsusuot ng ‘polka dots’ na damit,” --- ani ni Jecelyn Batalla noong tinanong siya ng PUNLA patungkol sa kasanayan niya sa tuwing sasapit ang bagong taon.
Ayon sa kaniya, naniniwala siya, tulad ng paniniwala ng marami, na ito ay magdadal ng suwerte sa kaniya lalo na sa pananalapi, dahil ang bilog na hugis ay sumisimbolo sa pera.
Paghahanda ng matatamis at malalagkit na pagkain
Likas na sa kaugalian ng mga Bulakenyo ang paghahanda ng mga pagkainsa tuwing may selebrasyon, lalo na ang mga minitamis at mga kakanin. Kaya’t tuwing bagong taon ay hindi din mawawala ang mga ito sa mesa.
Samantala, ayon kay Rachelle Dela Pena, na naniniwalang may dalang swerte ang paghahanda ng matatamis at malalagkit na pagkain sa pagsalubong sa bagong taon, ang mga pagkaing ito ay magdadala ng ikagaganda ng samahan ng pamilya sa isang tahanan sa buong taon.
“Para maging kasing tamis at lagkit ng pagkain ang kanilang samahan sa buong taon at mabilis na kakapit ang swerte,” dagdag pa niya.
Paglalagay ng barya o pera sa bulsa at Pagpapagulong ng barya sa loob ng bahay
Upang patuloy ang pagdating ng pera sa isang tao sa buong taon, pinaniniwalaan na dapat na may lamang pera ang bulsa.
“Dapat ‘din na magpagulong ng barya papasok sa loob ng bahay, para tuloy-tuloy naman ang pasok ng pera sa isang pamilya sa buong taon,” ani naman ni Ma. Elena Padua.
Ayon na din sa kanya, taun-taon nila itong ginagawa dahil wala naman daw mawawala kung susubukan.
Pagpupuno ng bigasan at lalagyanan ng mga pagkain
Samantala, nakagawian na ni Priscilla Angeles, 72 anyos, ang pagpupuno ng kaniyang bigasan at ilang mga lalagyanan ng mga pampalasa bago at sa araw ng pagsalubong sa bagong taon.
“Pinupuno ko ‘yung bigasan at mga lalagyanan ng toyo at suka, para sa buong taon ay may laman at hindi iyon mawalan,” ani nito.
Maging ang ilan ay nakagawian na rin ang pagpupuno ditto dahil sa paniniwalang hindi ito mawawalan ng laman sa buong taon.
Bawal maghanda ng manok
Ngunit, hindi lamang puro pampasuwerte ang pinaniniwalaan ng mga Bulakenyo. Bukod sa mga pagtangkilik sa iba’t ibang bagay at pagkain, mayroon ding handa na iniiwasan ang mga ito.
“Sabi nila [matatanda], bawal daw ang paghahanda ng manok,” ani ni Gladys Rivera, “…kasi, ayon na din sa kanila lilipad daw ang good luck o grasya,”
KAKAIBANG NAKAGAWIAN: Taun-taong pagpapalit ng bagong wallet at pagsira sa lumang wallet
Kakaiba naman ang nakagawian ng tiyuhin ni Regine Roque, sa kaniyang pagkakakwento sa THE BEAT TELLS, dahil ang ayon sa kanya, taun-taon nitong pinapalitan ang pitaka at gayundin ang pagsira nito sa kaniyang pinaglumaan. Ito raw ay upang suwertehin siya sa pananalapi sa buong taon.
Maraming pamahiin ang pinbaniniwalaan, ngunit hindi natin alam kung ang mga ito ay may kasiguraduhan. Mga gawi ng pag-iwas at pagsunod sa mga ito na hindi alam kung ano ang patutunguhan.
Ngunit, sundin man natin to o hindi, maniwala man o hindi, wala namang mawawala dahil hindi naman sa isang bagay lamang nakasalalay ang ating mga hinaharap kundi, Siya pa din ang may alam ng lahat. Siya pa din ang masusunod. Ang lumikha sa lahat--- ang Panginoon.#Elmar Cundangan
No comments:
Post a Comment