Sabi nila masarap daw ma-inlove, lalo na kapag natagpuan mo na yung taong nakalaan para sa’yo. Mayroong mga nagtatagumpay, at mayroon din namang nabibigo.
Malaki kasi ang mundo, may iba’t ibang tao na may iba’t-ibang kwento, karanasan at sitwasyon.
‘Love is kind, love is patient it does not envy, it is not proud, it takes no thought for itself; it is not easily angered, it takes no account of evil no pleasure in wrong doing, but has joy on what is true. Love has the power of undergoing of all things, having faith and hoping in all things, love has no end.’--- Corinthians 13
NO BOYFRIEND SINCE BIRTH (NBSB)
Maraming dahilan kung bakit nananatiling single ang isang babae. Istorbo, magastos at walang time para isipin ang mga ganoong bagay. Mayroon naman talagang minalas lang, kaya wala pa ring matagpuang karapat-dapat para sa tinatangi niyang lalaki.
Pero ayon kay Rhea Mae Redido, 17 at isang 2nd yr college student na hindi pa rin nararanasan ang pumasok sa isang relasyon, isang certified NBSB., na-inlove na rin siya tulad ng iba, pero hindi iyon ang priority niya at hindi niya pinagtuunan ng pansin kaya nawala din ang feelings niya.
May mga nagkakagusto rin naman sa kanya, pero hindi niya talaga ine-entertain yung mga nagbabalak manligaw.
“Ang maganda kasi sa pagiging single, malaya ka at sarili mo lang ang kumokontrol sa’yo,”ani Rhea.
Dagdag pa niya, gusto niya ring ma-experience ang magkaroon ng boyfriend, pero hindi pa sa ngayon. Siguro ay kapag nakaluwag-luwag na siya sa buhay, aniya.
Sabi pa niya, hindi siya naiinggit sa mga magkarelasyon. Minsan pa nga ay kinikilig siya sa mga ito, lalo na kapag nasaksihan niya mismo ang kwento nila.
“Masarap at masaya ang ma-inlove, at naniniwala ako na may magandang inilaan ang Diyos para sa akin. Kapag nagmahal ka kasi, magagawa mong gawin yung pinakaayaw mong gawin para sa taong mahal mo,” dagdag pa ni Rhea.
NO GIRLFRIEND SINCE BIRTH
Hindi lang babae ang pwedeng maging NBSB p’wede rin ito sa lalaki, No Girlfriend Since Birth nga lang. Hindi dahil sila ay torpe kundi dahil naniniwala ang ibang kalalakihan na ang pag-ibig ay hindi isang laro. (Ginto na ang mga lalaking ganito sa panahon ngayon)
“Ang love kasi, nararamdaman yan at hindi iniisip” ani Cian Diaz, isang 2nd year student.
Ganyan ang pag-ibig para sa kanya. Kahit matagal, darating pa rin yung taong para sa isang tao. Pero hindi siya naniniwala sa destiny, kaya nga siguro sa sobrang tagal ng taong hinihintay niya, ay hindi niya pa rin niya nararanasan ang magka-girl friend simula nang siya ay ipanganak.
Marahil, nakakagulat ito para sa isang lalaki dahil bihira talaga ang NGSB o No Girlfriend Since Birth para sa mga binata ngayon. Hindi na uso ang ganyan dahil para sa kanila, mas magiging lalaki sila kung mas marami silang naging ‘chicks’. Siguro, iba talaga si Cian sa henerasyon ngayon, dahil wala sa isip niya na maging “playboy”.
“Hindi ko naman ginusto yung ganito, nagkataon lang talaga na yung dalawang babaeng nagustuhan ko eh, ayaw sa akin o hindi pa handa sa isang relasyon. Siguro, focus na muna ko sa training ko ngayon bilang player ng sepak at sa pag-aaral ko. Darating din naman ‘yun sa tamang panahon, oras at pagkakataon,” dagdag pa niya.
SINGLE AND READY TO MINGLE
May mga tao namang masaya kahit walang karelasyon. Masaya sa piling ng kaibigan, kapamilya at mga taong nasa paligid niya. Ngunit, minsan ay pinapangarap ring magkaroon ng isang magandang love story. Isa na dito si Ruby Jean Ricafranca 20, 3rd yr Journalism student sa BSU.
Ayon sa kanya, hindi naman niya choice na wala siyang boyfriend. Nagkataon lang na hindi pa siya handa sa mga bagay na wala pa naman. Aniya, ayaw niyang madaliin ang ganoong bagay, dahil masaya naman siya kasama ang kanyang mga kaibigan.
Pero minsan, hindi niya maiwasan ang malungkot. Natural lang iyon, aniya, dahil tao lang siya, at may mga pagkakataon talaga na feeling niya, mag-isa lang siya.
“Na-inlove na kasi ako sa best friend ko pero wala eh, sad ending. Hindi niya ko gusto, pero wala na yon sa akin. Masakit lang sa akin kasi best friend ko siya. Parang nawala yung lagi kong karamay sa lahat ng bagay. Ganun naman talaga siguro. Kung magkaka-boyfriend naman ako, hindi naman ako magiging possessive, kasi mas lalo lang niya mararamdaman na mahigpit ako sa kanya”, paliwanag ni Ruby
Hindi rin siya naniniwala sa una at huli, dahil gusto niyang makilala talaga ang isang lalaki. Ayon pa sa kanya, mahirap masira yung trust na ibinigay ng isang tao sa kanyang kapwa.
“Ang tagal mo naman, gaano ba kalaki ang mundo para hindi pa tayo nagkikita? Sana nga makita niya ko at sana din malaman niya na ako yun,” pagtatapos ni Ruby na tila nananawagan sa kanyang magiging future boyfriend.
THE LONGER, THE STRONGER
Maraming humahanga sa mga relasyong nagtatagal. Hindi na kasi uso ang ganoon ngayon. Madali kasing mainip ang mga kabataan, at laging minamadali pati ang pag-ibig.
Hindi makapaghintay, kaya’t marami ang maagang nag-aasawa. Pero pinatunayan ni Gio Agupitan at Moanne ang kahalagahan ng matagal na pagsasama.
Mahigit pitong taon nang magkasintahan sina Gio at Moanne. Nagkakilala sila sa Jollibee Sta. Maria. Working student si Gio habang nago-ojt naman si Moanne noon. Nagustuhan ni Gio kay Moanne ang kanyang pagiging masayahin, laging game sa lakaran, at pagiging loving at caring lalo na sa pamilya niya.
“Nagustuhan ko sa kanya (Gio) yung pagiging simple, hindi mayabang, gentleman at thoughtful”, pagbabahagi naman ni Moanne.
Kahit parehong abala sa trabaho, nagkikita parin sila ng dalawang beses sa isang linggo. Halos araw-araw din silang naguusap sa telepono at nagkakatext.
Ibinahagi nila na ang nagpapatibay raw ng kanilang relasyon ay trust at effort para maiparamdam kung gaano nila kamahal ang isa’t-isa.
Nung una daw ay may tumututol sa relasyon nila, unang-una dito ay ang mga magulang ni Moanne. Pero ngayon, dahil parehong may magandang career naman na ang dalawa at naging maayos naman ang relasyon nila, wala nang pumipigil sa dalawa at halos lahat ay gusto sila bilang magkasintahan.
Hindi mawawala ang pagkakaroon ng problema at minsan ay hindi pagkakaintindihan sa isang relasyon. Isa sa mga naging mabigat na problema nila ay nung nagkasabay-sabay ang problema sa pamilya, school at sa trabaho kaya pati ang relasyon nila ay naapektuhan. Ngunit hindi iyon naging dahilan para masira ang kanilang pinagsamahan. Pinag-usapan nila at nagpaliwanagan sila kaya naayos ang kanilang problema.
“Balance ng oras ang kailangan, kasi nauubos sa stressful works at family matters”, ani Gio.
Nung nagkapatong-patong ang problema, binigyan nila ng space ang isa’t-isa para pamakapag-isip at maayos ang gusot sa kanilang relasyon.
“Mas mahal ko pa siya sa salitamg mahal, and I love her more than my own life, kaya hindi ko kayang mawala siya”, paglalahad ni Gio ng kanyang damdamin para sa kasintahan.
Naniniwala din ang dalawa na sila na habang buhay, sa katunayan, ay nakaplano na ang nalalapit nilang kasal sa June. Gusto na kasi nilang magkaroon ng sariling pamilya, dahil para sa dalawa,l sapat na ang tagal ng kanilang pagsasama para masabing handa na sila.
Hindi naman raw mahalaga ang tagal ng pagsasama, pero dahil hindi pa kayo ready, wala pang budget, hindi pa stable, at merong mga taong makikialam kaya dapat ay huwag madaliin at paghandaan muna itong mabuti.
Para magtagal raw ang relationship, dapat ay i-enjoy niyo lang ang relasyon niyo at treat your partner like your best friend and buddy. Hindi lang kayo basta magbf/gf, kayo rin ay family na nagtutulungan, nagsasabihan ng mga problema , nakikiramay at nagseshare sa bawa’t isa. Dapat rin ay meron kayong God para magpatibay sa relasyon niyo.
Narealize nila na it’s nice to be inlove and to be loved. Lahat naman ng tao ay gustong maramdaman na iniibig rin sila ng taong mahal nila. Mahalaga rin ang effort, sacrifice, paglalaan ng panahon sa mahal mo, pagpapakumbaba, pagkalimot sa pride, tiwala sa isa’t-isa at higit sa lahat, ang pananalig sa Diyos.
“Laging manalig kay God, dahil siya ang tutulong para manatiling matibay ang relasyon at siya ang magnonourish ng pag-ibig na ibinigay niya sa atin, for us to enjoy life and love”, pagbabahagi pa ni Gio.
LONG DISTANCE RELATIONSHIP
Isa sa pinakamahirap na sitwasyon, ang malayo sa taong minamahal mo. Pero para sa mga taong tunay na nagmamahal, hindi hadlang ang layo o distansya para hindi mo maipadama sa kanya ang nararamdaman mo. Hindi ito dahilan para bumitaw ka sa inyong pangako. Sabi pa ng iba, dito talaga nasusukat kung kayo nga talaga ang para sa isa’t-isa.
Ganito ang kwento ni Cristina Pineda 20, na nasa isang long distance relationship. Dalawang taon at tatlong buwan na sila ng kanyang kasintahan na si Jayson Gabriel 21. Umalis ang binata patungong Canada kasama ang pamilya nito para doon na manirahan, at iyon ang naging dahilan para magkalayo ang dalawa.
Kahit malayo sa isa’t-isa, halos araw-araw ay nakakapag-usap naman ang magkasintahan sa pamamagitan ng Facebook, text message at minsan ay tawagan sa cellphone.
Ayon kay Cristina, masaya ang relasyon nila ngunit mahirap. Masaya dahil kahit malayo sila sa isa’t-isa, nakakasurvive parin ang relasyon nila, at mahirap dahil magkalayo sila at hindi nagkikita.
“Nae-express namin yung feelings namin, sa facebook lang, sa tawag at sa texts”, ani Cristina.
Dagdag pa niya, hinahanap-hanap raw niya yung affection at yung nakasanayan na niya nung hindi pa umaalis si Jayson.
Meron na rin silang mga naging problema habang magkalayo sa isa’t-sa. May mga tao kasing gustong sirain ang kanilang relasyon. Pero dahil sa kanilang pagtitiwala at pagmamahalan, hindi sila nagpadala sa mga walang katotohanang kwento, kaya’t agad rin nilang naayos ang problema.
Love and Trust, yan ang nagpapatibay sa relasyon nila. Nakasisigurado din si Cristina na hindi siya lolokohin ni Jayson dahil pinanghahawakan niya ang mga pangako nito para sa kanya.
Mayroon na rin silang plano para sa hinaharap. Susunod si Cristina sa Canada para doon magtrabaho at para magkasama na sila ni Jayson. Doon nila tutuparin ang kanilang mga pangarap para sa isa’t-isa at ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya.
Para kay Cristina, ang pinakamahalagang bagay na natutunan niya sa pag-ibig ay maghintay. Dagdag pa niya, “Kailangan niyo ding magtiwala sa isa’t-isa, magsacrifice, at magtake ng risk, dahil ano man ang mangyari, in-allow ni Lord ‘yun.”
TILL DEATH DO US PART
Sa mga relasyon, wala na sigurong mas sasaya kapag nakasama mo ang iyong minamahal hangang pagtanda. For richer or for poorer in sickness and in health till death do us part kumbaga. Ganyan ang naging samahan nina lola Luisa at lolo Antonio Singh mula sa Hagonoy Bulacan.
Pebrero 14,1960 ang naging pinakamahalagang araw nila dahil ito ang mismong araw ng kanilang kasal, kaya nga memorable sa kanila ang valentines day. Dalawa kasi ang sinecelebrate nila tuwing sasapit ang buwan ng mga puso.
Nagkakilala sila sa pamamagitan ng kaibigan at nagustuhan na agad ni Lolo Antonio ang kanyang asawa nung una palang nilang pagkikita. Ang nakakatuwa pa ay hindi niligawan ni Lolo Antonio si Lola Luisa. Inaya daw ni Lolo Antonio si Lola na magsimba kasama ang isa pang kaibigan. Ngunit hindi pala sila pupunta sa simbahan. Kasabwat pala ni Lolo Antonio ang kanilang kaibigan at si Lolo Antonio ang nagmaneho ng tricycle. Isinama niya si Lola Luisa at itinanan, pumayag naman ito dahil gusto niya rin pala si Lolo Antonio.
Hindi sila nagsawang magmahalan, Hindi naghiwalay at lalong hindi nagkaroon ng iba, kung kayat nakabuo sila ng 9 na anak na gayon ay may sari-sarili nang pamilya. Mayroon na din silang 15 na makukulit na apo
Ang kanilang kwento ng pag-ibig ay talagang pambihira dahil mula noon hanggang ngayon ay magkasama parin sila, at kahit kalian ay hindi nagsawa sa isa’t-isa. Magkasama nilang hinarap ang lahat ng suliranin na dumating sa kanilang buhay at ngayon, masaya sila dahil alam nilang ang pag-ibig nila ay hanggang huli na.
Nakaktuwang isipin na sa kabila ng gulo ng mundo, mga isyu tungkol sa divorce at sangkaterbang usaping pang hiwalayan ay may mga tao pa ring naniniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig. Na Love can still make the world go round.
Dahil ang pag-ibig ay para sa lahat, walang pinipiling tao, panahon o sitwasyon. Ito ay para sa lahat ng nagmahal, nagmamahal, at magmamahal. Ito ay para din sa mga nabigo, natatakot at patuloy na nagtatanong. Sabi nila kusa yan dumadating, kaya wag mong madaliin. At kapag hawak mo na, wag mo nang pakakawalan. Kung nabigo ka man, asahan mong dadating ang mas magandang kapalit. At kung ‘di ka pa rin sang-ayon, subukan mong umibig, para malaman mo, malay mo, mayroon palang nakalaan sayong isang napakagandang istorya.
Magmahal ka, dahil bukod sa ngiti ang pag ibig na lang ang libre ngayon.#Jovelyn Bautista, Karen Romantico at Florence Ambrocio